Noong Lunes, ika-28 ng Oktubre, ang ikalawang anibersaryo ng karumaldumal na pagpaslang kay Ramgen Revilla.
Ito ay nangyari sa loob mismo ng pamamahay nito sa BF Homes, Parañaque, at kasama niya nang gabing iyon ang girlfriend na si Janelle Manahan, na pinagtangkaan ding patayin pero nakaligtas.
November 2 ng gabi, sa panayam ni Cristy Fermin kay Janelle, para sa segment nitong Cornered By Cristy ngShowbiz Police ng TV5, inamin ni Janelle na kahit mahal pa rin niya ang namayapang kasintahan, kinailangan na niyang mag-let go para na rin sa sariling kapakanan.
Janelle Manahan on her feelings for late boyfriend Ramgen Revilla: “Ganun pa rin, kasi siyempre kahit na wala na siya ngayon, forever naman siyang part ng buhay ko. So, every night ko siyang ipinagdadasal kasi, as much as possible, tina-try ko na talagang completely mag-let go. Kasi, minsan napapanaginipan ko pa rin, so feeling ko hindi na healthy na hanggang ngayon, ganun pa din.”


TWO YEARS AFTER. Kumusta na ang puso niya ngayon?
Saad ni Janelle, “Ahm, towards him? Ganun pa rin, kasi siyempre kahit na wala na siya ngayon, forever naman siyang part ng buhay ko.
“So every night ko siyang ipinagdarasal kasi, as much as possible, tina-try ko na talagang completely mag-let go.
“Kasi minsan napapanaginipan ko pa rin, so feeling ko hindi na healthy na hanggang ngayon, ganun pa rin.”
Ang mga nakababatang kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph (RJ) at Ramona Revilla ang itinuturong utak sa pamamaslang kay Ramgen.
Kasalukuyang nakakulong si RJ sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, samantalang si Ramona ay pinaghihinalaang nasa bansang Turkey, ang bansa ng kanyang asawa. 
Si Ramgen ang panganay na anak nina former Senator Ramon Revilla Sr. at ang kanyang mistress na si Genelyn Magsaysay.
Sinundan si Ramgen ni Ramona, samantalang si RJ naman ang pang-anim sa siyam na magkakapatid.

Si Ramgen ay kapatid din sa ama ni Senator Bong Revilla Jr.
Nitong nakaraang buwan, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang nangyari ang sigalot sa pamilya, naglabas ng statement si Ramon Revilla Sr., na nagsasabing alam niyang walang kasalanan ang anak na si RJ sa sinapit ng isa pang anak na si Ramgen.

Umapela ito sa korte na makalaya si RJ sa kanyang kaarawan.
Matapos ang dalawang taon, ano na ang nagaganap sa paglilitis?
 
Top