Inilabas ngayong hapon, April 29, ng Taguig Metropolitan Trial Court ang commitment order na ilipat bukas, April 30, sa Taguig City Jail sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz Jr.
Ngunit sinuspinde ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 271 Judge Paz Esperanza Cortes ang inilabas na commitment order.
Ito ay dahil naghain ng mosyon ang kampo nina Cedric at Zimmer upang manatili muna sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa.
Sina Cedric at Zimmer ay dalawa sa mga akusado sa serious illegal detention case, isang non-bailable offense, na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.
Ito ay kaunay ng nangyaring pambubugbog kay Vhong noong January 22, 2014, sa condo unit ni Deniece Cornejo sa Forbeswood Heights Condominium, Bonifacio Global City, Taguig.
Sa panayam ng media kay Cedric noong Linggo, April 27, sinabi niyang pipilitin nila ng kanyang legal counsel na si Atty. Howard Calleja na i-detain sila ni Zimmer sa NBI Headquarters sa Maynila.
Ngunit ipinag-utos ngayon ni Judge Paz Esperanza Cortes ng Branch 271 ng Taguig Metropolitan Trial City Court na ilipat ang mga akusado sa Taguig City Jail, sa Camp Bagong Diwa.
Makukulong sina Cedric at Zimmer sa Taguig City Jail habang dinidinig ng korte ang kanilang kaso.
Natanggap ngayon ng NBI ang commitment order ni Judge Cortez, ngunit hindi na ito maipatutupad.
Nakatakda naman bukas, April 30, sa Branch 271 ang arraignment nina Cedric at Zimmer para sa serious illegal detention case.
Sa May 6 naman nakatakda ang pagdinig para sa mosyon ng mga akusado sa pambubugbog kay Vhong.



 
Top